Wednesday, September 20, 2017

Pangulong Duterte : Inaming Sinadyang minali niya ang bank account ni Trillanes







Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ng gabi na sadyang minali niya ang account number umano ni Senador Antonio Trillanes IV sa isang bangko sa Singapore na kaniyang isinapubliko para lokohin ang mambabatas. Si Trillanes, ikinatuwa ang ginawang pag-amin ng Punong Ehekutibo.

Ilang oras matapos ilabas ni Trillanes sa media ang resulta ng pagpunta niya sa DBS Bank sa Singapore para patunayan na hindi totoo ang alegasyon ni Duterte tungkol sa bank account na kumalat din sa social media, inihayag ng pangulo sa live interview sa PTV-4, ang tunay umanong account number ng senador.

Ayon kay Duterte, gawa-gawa lang niya ang binanggit niya sa publiko na account number "178000296012."

Dagdag pa ng pangulo, mali rin ang account number na nakasaad sa pinirmahang bank account waivers ni Trillanes.

"Wala ito. Produkto ng isip ko ito. Tinanggalan ko talaga. Ginamit mo. Nag-issue ka ng waiver... Iba ang account number, iba ang totoo," anang pangulo.

Sinabi ni Duterte na ang tunay na account number ay, "11780-00281-60-2."

Ito rin umano ang isiniwalat nina Communications Asst. Sec. Mocha Uson at broadcaster na si Erwin Tulfo, at nakita rin sa Davao Breaking News.

"Sinadya ko iyan," aniya. "Kita mo siya ngayon. He's desperate. Pumunta ng Singapore, maggastos lang para propaganda lang."

Iginiit din ni Duterte na walang bangko na papayag na ilabas ang detalye ng bank account ng kanilang kliyente.

Hindi rin umano mabubuksan ang bank account kahit may waiver kung walang pirma ang kasama nito sa account.

Samantala, bilang tugon sa inihayag ni Duterte, sinabi ni Trillanes na: "Buti naman umamin siya na sinungaling siya."

"To begin with, nanalo siya base sa propaganda at kasinungalingan. Sana naman maliwanagan na ang mga kababayan natin na naloko at patuloy na niloloko sila ni Duterte," dagdag ng senador.

Bago nito, sinabi ni Trillanes sa kaniyang pahayag na dalawang account number na mula kay Duterte at maging kina Uson at Tulfo ang tinanong niya sa DBS Bank kung totoong mayroon na nakapangalan sa kaniya.

"Naipakita ko dito sa pagpunta ko mismo sa DBS bank Alexandra Branch dito sa Singapore na hindi totoo ang paratang ni Duterte na meron daw akong bank account dito. 'No such accounts exist' ang sabi ng bank teller ng ipinakita ko ang aking passport kasama ang dalawang account numbers na galing kina Duterte, Erwin Tulfo at Mocha Uson," ayon sa senador.

Hindi nakasaad sa naturang pahayag ang dalawang account number.

Gayunman, nakasaad sa pinirmahang bank waiver ni Trillanes ang bank account no. "11780-00281-60-2" na katulad ng binanggit ni Duterte. —FRJ, GMA News